Humaharap ang Bitcoin sa matinding pagtaas-baba ng presyo, kung saan umaaligid ito sa itaas ng $55,000 sa kabila ng hindi kasiguraduhan sa market at outflows sa ETFs. Nakaapekto ito sa ibang malalaking crypto tulad ng Ethereum, Solana, at Ripple, kung saan nagpapahiwatig ng bearish na trend ang mga technical indicator. Nananatiling nakatutok ang mga investor sa mahahalagang lebel ng presyo, kung saan susubaybayan ang potensyal na upside na targets at downside na risks. Samantala, patuloy na nahuhubog ang sentimyento ng market ng pag-aalala sa pandaigdigang ekonomiya, kabilang ang magkahalong datos tungkol sa mga trabaho sa US at pwersa sa pagpapababa ng inflation sa China. Habang tinatahak ng crypto ang mga naturang hamon, pwedeng magkaroon ng mahalagang papel sa magiging takbo ng Bitcoin ang mga geopolitical na pangyayari at nalalapit na datos sa inflation sa US.
Price Action ng Bitcoin
Sa kabila ng pababang pwersa sa Bitcoin at outflows mula sa Exchange-Traded Funds, nakabawi ‘tong digital asset mula sa support na $52,510 at kasalukuyang nasa itaas ng psychological level na $55,000. Kaya lang, nananatili ang BTCUSD sa ilalim ng 20-period Exponential Moving Average, na nagpapahiwatig ng downtrend. Bukod dito, parehong nagpapakita ng pababang trend ang Momentum oscillator at ang Relative Strength Index (RSI), kung saan mas mababa ang halaga nito kaysa sa baseline na 100 at 50, ayon sa pagkakabanggit. Kapag gumamit ng Fibonacci retracement tool, tatlong potensyal na upside targets ang matatantya: $57,405, $58,883, at $60,360. Sa kabilang banda, tatlong downside targets ang namataan sa $52,510, $51,166, at $48,887. Nakaranas ang Bitcoin ng mahigit 32% na pagtaas simula umpisa ng taon, pero nakapagtala rin ito ng 8% na pagbaba noong nakaraang linggo.
Humaharap sa Outflows ang US Bitcoin ETFs sa Gitna ng Di Kasiguraduhan sa Market
Ayon sa Bloomberg, nakaranas ang US Bitcoin Exchange-Traded Funds (ETFs) ng pinakamahabang sunod-sunod na net outflows mula noong ilunsad ito ngayong taon. Nag-withdraw ang mga investor ng halos $1.2B sa loob ng walong magkakasunod na araw, na natapos noong Setyembre 6, 2024. Sumasalamin ‘tong trend sa mas malawak na pag-aalala ng market, kung saan nakakaimpluwensya sa mga asset na may mas mataas na risk ang pandaigdigang pag-aalala sa ekonomiya, tulad ng magkahalong datos sa mga trabaho sa US at pwersa sa pagpapababa ng inflation sa China. Ang mismong Bitcoin ay nakaranas ng 7% na pagbagsak ngayong Setyembre, bagamat nakabawi ito nang kaunti. Nahuhubog din ang sentimyento ng market dahil sa mga pagbabago sa politika ng US at pag-abang sa nalalapit na inflation, na pwedeng makaapekto sa pamamalakad ng Federal Reserve.
Itinutulak ng mga Sumusulong sa Crypto na Magkaroon ng Debate sa Digital Assets para sa Halalan sa US ngayong 2024
Ayon sa ulat mula sa Cointelegraph, itinutulak ng mga nagsusulong sa crypto na isama ‘tong paksa sa nalalapit na debate nila Kamala Harris at Donald Trump. Binigyang-diin ng Chamber of Progress, na isang grupo na nagsusulong ng crypto, ang pangangailangan na maging klaro ang posisyon ng bawat kandidato, sa gitna ng kamakailang pagbabago sa pananaw ni Trump tungkol sa digital assets, at hindi malinaw na pamamalakad mula sa kampanya ni Harris. Binigyang-diin ng grupo na kailangang ipaalam ng mga kandidato ang tingin nila sa digital assets bago mangyari ang botohan.
Nagsama-sama ang Malalaking Bangko sa Japan para sa Project Pax: Isang Makabagong Proyekto sa Stablecoin
Sinusuportahan ng tatlong pinakamalalaking bangko sa Japan—ang Mitsubishi UFJ Bank, Sumitomo Mitsui Banking Corporation, at Mizuho Bank—ang bagong proyekto sa stablecoin na tinatawag na “Project Pax,” na may layuning pabutihin ang mga cross-border na transaksyon. Ang inisyatibang ito, na inilunsad ng blockchain startup na Datachain, kasama ng pakikipagtulungan sa Progmat at TOKI, ay may layuning tugunan ang hindi maayos na cross-border na pagbabayad sa buong mundo na nagkakahalaga ng $182T. Kabilang sa mga problema na natukoy ng G20 ay ang bilis, bayarin, at isyu sa pagiging transparent nito. Sa pamamagitan ng Project Pax, maisasama ang mga stablecoin sa internasyonal na bayarin ng mga negosyo, habang sinasamantala ang API framework ng Swift para mapabuti ang pagsunod sa regulasyon at mapababa ang bayarin sa pagpapatakbo ng mga pinansyal na institusyon. Layunin ng platform na gawing makabago ang pagbabayad ng mga korporasyon sa pamamagitan ng pagsusulong ng stablecoins sa pandaigdigang kalakalan.
Nabukas ng Landas para sa Inobasyon ang Ripple at mga Mambabatas
Noong XRP Community Day, nakipagkita si Brad Garlinghouse sa mambabatas sa Japan na si Taira Masaaki para pag-usapan ang pangako ng Japan na isulong ang teknolohiya ng blockchain at crypto. Pinuri ni Garlinghouse ang malinaw na regulasyon ng bansa na nagtutulak sa inobasyon habang pinoprotektahan ang mga konsyumer. Binigyang-diin ni Taira, na isang malakas na tagasuporta ng Web3 at AI, ang potensyal ng blockchain para pagandahin ang kakayahan ng Japan. Sinabi sa event na mahalagang market para sa Ripple ang Japan at Korea dahil parehong malaki ang hawak na XRP ng mga naturang bansa. Pinag-iisipan ng Ripple ang pakikipagsosyo sa mga bangko sa Korea, depende pa sa nagbabago-bagong kondisyon ng regulasyon.
Nagpanukala ang Lider ng Oposisyon sa Venezuela na Magkaroon ng Bitcoin Reserves para Labanan ang Hyperinflation at Mabuo Ulit ang Ekonomiya
Ayon sa panukala ng lider ng oposisyon sa Venezuela na si Maria Corina Machado, dapat makaroon ng Bitcoin reserves ang bansa para maprotektahan ang mga mamamayan mula sa hyperinflation at pagbagsak ng pera. Sa isang panayam, binigyang-diin ni Machado na mahalagang-mahalaga ang Bitcoin para sa maraming taga-Venezuela, dahil napoprotektahan nito ang kanilang yaman at nalalabanan ang hindi katatagan sa ekonomiya. Nangangarap siya na maging parte ang Bitcoin ng pambansang reserves ng Venezuela, kasabay ng pagsisikap na mabawi ang mga ninakaw na pera. Sa pamamagitan ng Human Rights Foundation, naglunsad din si Machado ng kampanya para humingi ng donasyon, bilang pagsuporta sa demokrasya sa Venezuela, at masigurado na makakaabot ang pondo sa mga mismong manggagawa.
Pangkalahatan
Sa pangkalahatan, dahil sa pagtaas-baba ng presyo ng Bitcoin, na sinabayan ng di kasiguraduhan sa ekonomiya at outflows ng ETFs, nabigyang-diin ang mapanghamon na lagay para sa crypto. Bagamat nagpapahiwatig ng patuloy na bearish na momentum ang mga technical indicator, nananatiling tinututukan ang potensyal na upside targets dahil pwedeng magbago ang sentimyento ng market depende sa ilalabas na datos sa ekonomiya at mangyayaring geopolitical na kaganapan. Dahil sa mga inisyatiba tulad ng Project Pax ng Japan at panukalang Bitcoin reserves ng Venezuela, makikita ang lumalawak na impluwensya ng blockchain sa pandaigdigang pananalapi. Habang patuloy na nagbabago ang lagay ng crypto, kritikal ang malinaw na regulasyon at kaganapan sa politika, tulad ng nalalapit na debate sa US, sa paghubog ng magiging kinabukasan ng digital assets.