Kabilang sa mga kamakailang pangyayari sa crypto market ay ang pagbaba ng presyo ng Bitcoin at Ethereum bago ang inaabangang rate cut ng Federal Reserve. May mga pagbabago rin sa batas na humuhubog sa industriya, kasama ang pagkilala ng korte ng UK sa tether (USDT) bilang isang ari-arian sa ilalim ng kanilang batas. Pagdating sa politika, inilunsad ng dating pangulong Donald Trump ang bagong proyekto sa crypto na tinatawag na World Liberty Financial, na sumasalamin sa lumalaking papel ng crypto sa nalalapit na halalan sa US ngayong 2024. Bukod dito, isinusulong ng mga Democrat na senador sa US na tugunan ng mga nagpapatakbo ng Bitcoin ATM ang isyu ng lumalalang pandaraya na pumupuntirya sa mga matatandang Amerikano.
Bumagsak ang ETH Bago ang Rate Cut ng Fed sa Gitna ng Pagtatangkang Pagpatay kay Trump
Sa umpisa nitong linggo na napakahalaga para sa US, naranasan ng Ethereum (ETH) ang pagbaba sa presyo nito, bago ang inaasahang pag-anunsyo ng Federal Reserve kaugnay sa pagpapatupad ng rate cut sa Setyembre 18. Ayon sa CME Fed Watch tool, may 41% na tyansa ng 25 basis point cut at 59% na probabilidad ng 50 basis point cut. Dati nang hinulaan ng mga analyst sa Bitfinex na maaaring humantong sa pagbagsak ng crypto market ang inaasahang rate cut. Bukod dito, noong Setyembre 15, nakaligtas na naman ang dating pangulo na si Donald Trump sa ikalawang pagtatangka sa kanyang buhay, bagamat hindi malinaw kung may epekto ba ito sa ETH market.
Kinikilala ng Korte ng UK ang Tether (USDT) bilang Legal na Ari-arian sa Kauna-unahang Pagkakataon
Ayon sa Bitcoin.com, nagpasiya ang High Court of England and Wales na kilalanin ang stablecoin na tether (USDT) bilang ari-arian sa ilalim ng kanilang batas. Sa hatol na ginawa noong Setyembre 12, kinlaro ng korte na dapat ituring ang mga crypto bilang ari-arian sa ilalim ng batas, kahit na hindi ito nahahawakan. Lumitaw ang desisyon mula sa kaso kung saan iginiit ni Fabrizio D’Aloia na naloko siya ng crypto na nagkakahalaga ng £2.5M, kabilang ang USDT. Ayon sa hatol, pwede nang matunton ang crypto at maituring gaya ng iba pang mga asset kapag may legal na alitan. Kaya lang, sa kasong ito, hindi nakapagbigay ng sapat na ebidensya si D’Aloia para matunton ang nanakaw na crypto sa mga partikular na account. May malaking implikasyon ang desisyong ito para sa magiging kaso sa hinaharap na may kinalaman sa crypto.
Technical Analysis: Babagsak pa ba lalo ang BTC o Mag-uumpisa ito ng Malakas na Reversal?
Nakakaranas ang Bitcoin ng pababang trend mula ikatlong linggo ng Mayo, kung saan nakabawi ang BTC/USD mula sa mahalagang resistance level na $72,091.859. Dahil sa tumaas na supply ng Bitcoin, bumagsak ang presyo nito, na sinusuportahan ng iba’t-ibang technical bearish signals. Noong Hunyo 11, nagbukas ng daan tungo sa pagbaba ang bearish reversal pattern na kilala sa technical analysis bilang “failure swing.” Bukod dito, nagkaroon ng isang “Death Cross,” na isang bearish technical signal, noong lumagpas ang 20-period Exponential Moving Average (EMA) sa ilalim ng 50-period EMA, kaya bumilis pa lalo ang pagbagsak. Bagamat nagtangka ng ilang beses ang BTC/USD na makabawi, sumuko ito kinalaunan dahil sa pababang pwersa. Gayundin, sinusuportahan ng Momentum oscillator at ng Relative Strength Index (RSI) ang bearish na pananaw para sa BTCUSD, dahil nagtatala ito ng halagang mas mababa sa baseline na 100 at 50, ayon sa pagkakabanggit. Kung sakaling mapapanatili ng bears ang kontrol nila sa market, matatantya ang mga sumusunod na target na presyo: $52,510.00, $48,887.00, $47,514.00, at $39,429.00. Sa kabilang banda, kapag matibay na nalagpasan ang resistance level na $60,594.638, sesenyas ito ng pataas na reversal, na magtutulak sa mga sumusunod na target na presyo: $62,515.375, $65,623.363, at $70,652.087.
Sentro ang Crypto sa Kampanya sa Pagkapangulo sa US
Naglunsad ang dating pangulo na si Donald Trump at ang kanyang mga anak ng bagong proyekto sa crypto na tinatawag na World Liberty Financial, na may layuning iposisyon ang US bilang lider sa sektor ng digital assets sa buong mundo. Inanunsyo sa livestream ng X Spaces, nakatutok ang inisyatibang ito sa Decentralized Finance (DeFi) at plano nitong mag-isyu ng digital token na tinatawag na WLFI. Binigyang-diin ni Trump ang kahalagahan ng pagtanggap ng US sa crypto para makasabay sa ibang mga bansa tulad ng China. Bagamat limitado pa ang mga detalye, nilalayon na papagandahin nitong proyekto ang seguridad sa pananalapi at magtutulak ito sa mga libreng transaksyon, na tugma sa pagpabor ni Trump sa crypto sa kasalukuyan niyang pangangampanya.
Hinihikayat ng mga Senador ang mga nagpapatakbo ng Bitcoin ATM na Labanan ang Lumalalang Pandaraya na Pumupuntirya sa mga Matatanda
May grupo ng pitong Democratic senators sa US, na pinamumunuan ni Dick Durbin at ni Elizabeth Warren, na nagtutulak para agad na kumilos ang pinakamalalaking nagpapatakbo ng Bitcoin ATM sa bansa, upang labanan ang pandaraya na pumupuntirya sa mga matatandang Amerikano. Sa sulat na ipinadala sa 10 malalaking kumpanya ng crypto ATM, binigyang-diin ng mga mambabataas ang lumalalang isyu ng pandaraya sa pera, kung saan tatlong beses na mas malaki ang tyansa na mabiktima ang mga matatandang Amerikano. Hinikayat ng mga senador ang naturang kumpanya na magpatupad ng mas malakas na pamamalakad para maiwasan ang pandaraya, at inilahad nila ang datos ng Federal Trade Commission na nagpapakita ng $65M na pagkalugi sa mga scam na may kinalaman sa Bitcoin ATM ngayong unang bahagi ng 2024. Hiningi rin nila ang tugon ng mga nagpapatakbo bago mag Oktubre 4, na magdedetalye sa mga pagsisikap nila para labanan ang panloloko.
Pwede bang Crypto ang Magpapanalo sa Battleground States ngayong 2024?
Habang nalalapit na ang halalan sa pagkapangulo sa US ngayong 2024, sinusuportahan ng industriya ng crypto ang mga kandidato na pabor dito, lalo na sa key battleground states. Ayon sa Cointelegraph, naniniwala si Dr. Tonya M. Evans, na isang propesor sa law sa Pennsylvania State University, na bagamat malaking isyu ang crypto para sa maraming botante, hindi ito ang pangunahin nilang pag-aalala at maaaring hindi ito ang nag-iisang aspeto para makapagpabago sa desisyon ng mga botante. Gayunpaman, sa mga estado na tulad ng Pennsylvania, Georgia, at Arizona, ang maliliit na paglipat ng mga botante ang pwedeng “magpabago sa ihip ng hangin” dahil sa napakaliit na margins. Iginiit din ni Dr. Evans na bipartisan ang pagsuporta sa crypto, na sinusuportahan ng $14M na ginastos ng mga komite sa politika na pabor sa crypto, para sa kandidato ng parehong partido. Ayon sa polls, magkahalo ang prayoridad ng mga botante: ayon sa isang poll, 6% lang ng mga rumesponde ang humihiling na talakayin ng mga kandidato ang crypto, habang sa isa pang poll, 73% ang nagsabi na “may kaunting epekto” ang pamamalakad sa crypto ng mga kandidato pagdating sa kanilang magiging boto.
Pangkalahatan
Sa pangkalahatan, nakakaranas ang mundo ng crypto ng napakahalagang pagbabago sa takbo ng market, legal na hatol, politikal na layunin, at kilos sa regulasyon. Nakakaranas ng pagtaas-baba ang malalaking crypto tulad ng Ethereum at Bitcoin bago ang inaasahang rate cuts ng Federal Reserve. Umuusad na ang pagkilala ng batas sa digital assets, tulad ng hatol ng korte sa UK na ituring ang tether (USDT) bilang ari-arian sa ilalim ng kanilang batas. Pagdating sa politika, nasa sentro ang crypto dahil sa mga inisyatiba tulad ng bagong proyekto ng dating pangulo na si Donald Trump, kaya nabibigyang-diin ang lumalaki nitong papel sa kampanya sa pagkapangulo sa US ngayong 2024. Bukod dito, pinupwersa ng mga Democrat na mambabatas sa US ang mga nagpapatakbo ng Bitcoin ATM para labanan ang lumalalang pandaraya na pumupuntirya sa mga matatandang Amerikano. Sabay-sabay na binibigyang-diin nitong mga kaganapan ang lumalalang impluwensya ng crypto sa pandaigdigang pananalapi, batas, at politika.