Ilang dekada nang ginagamit ang Elliott Wave Theory bilang isang technical analysis tool dahil tinutulungan nito ang traders na pag-aralan ang kaugalian ng market sa tulong ng pag-iisip ng madla. Pero ano nga ba ang Elliott Wave Theory, paano ito tumatakbo, at paano ito epektibong magagamit ng traders sa iba’t-ibang financial markets? Sa artikulong ito, tutuklasin natin ang kasaysayan, mahahalagang prinsipyo, advanced na pamamaraan, at tunay na paggamit ng Elliott Wave Theory sa mga market tulad ng forex, stocks, at crypto.
Ano ang Elliott Wave Theory?
Umiikot ang Elliott Wave Theory sa ideya na gumagalaw ang mga market sa isang siklo o “wave” bilang pagsunod sa sentimyento ng mga investor. Ayon sa teoryang ito, sumusunod ang presyo sa paulit-ulit na pattern na tumutugma sa pag-iisip ng madla. Ang dalawang pangunahing klase ng waves ay:
- Impulse Waves: Gumagalaw ang waves na ito sa direksyon ng pangunahing trend at nagtataglay ito ng limang mas maliit na waves.
- Corrective Waves: Gumagalaw ang waves na ito laban sa pangunahing trend at kadalasan itong binubuo ng tatlong mas maliit na waves.
Ang isang buong Elliott Wave cycle ay kadalasang binubuo ng limang impulse waves at talong corrective waves. Fractal ang mga pattern, kaya ibig sabihin makikita ito sa iba’t-ibang timeframes, mula ilang minuto hanggang ilang taon. Ginagamit ng traders ang istrakturang ito para mahulaan ang galaw ng presyo, matukoy ang potensyal na entry at exit points, at tiyempuhan nang mas tumpak ang trades nila.
Maikling Kasaysayan at Pinanggalingan nito mula kay Ralph Nelson Elliott
Ang pinagmulan ng Elliott Wave Theory ay noon pang 1930s, noong nadiskubre ng accountant na si Ralph Nelson Elliott na hindi naman pala ganoon kagulo ang financial markets tulad ng nakikita natin. Sa loob ng ilang taong pagsusuri, nalaman niya na sumusunod ang presyo sa isang partikular at paulit-ulit na wave pattern, na dulot ng pag-iisip ng napakaraming investors. Inilathala niya ito sa kanyang libro na The Wave Principle (1938), kung saan idinedetalye kung paano nagbabago ang mga trend sa market tulad ng isang alon.
Nakakuha ng inspirasyon si Elliott mula sa Dow Theory, na nagsasabi rin na gumagalaw ang market sa loob ng mga trend, pero pinalawig pa ito ni Elliott sa pamamagitan ng pagdadagdag ng ideya ng fractals at wave sequences na pwedeng ilapat sa iba’t-ibang lebel ng pagsusuri ng market. Hindi masyadong sumikat ang gawa niya habang nabubuhay pa siya, pero kinalaunan itong sumikat, pagkatapos itong gamitin ng mga analyst na tulad ni A.J. Frost at Robert Prechter para mahulaan ang bull market noong 1980s.
Mga Pangunahing Prinsipyo ng Elliott Wave Theory
Nauugnay ang Elliott Wave Theory sa iba’t-ibang pangunahing prinsipyo na nakakapagbigay ng naka-istrukturang paraan para bigyang-kahulugan ang mga galaw sa market:
Ang 5-3 Wave Structure: Ang mga trend sa market ay kadalasang binubuo ng limang waves sa direksyon ng trend, na sinusundan ng tatlong corrective waves. Ang unang limang waves ay tinatawag na “impulse” phase, habang ang tatlong kasunod na waves ay kumakatawan sa “corrective” phase.
Mga Fractal at Degree ng Waves: Ayon sa teoryang ito, talagang fractal ang mga waves sa market, kaya ibig sabihin lumalabas ang mga pattern na ito sa lahat ng timeframes — mula sa isang minutong chart hanggang sa buwanang chart. Pinaghihiwa-hiwalay ang waves sa iba’t-ibang degrees, mula sa pinakamalalaking “Grand Supercycle” hanggang sa mas maliit na waves tulad ng “Minuette.”
Mga Fibonacci Ratio: Kadalasang sinasama ng Elliott Wave Theory ang Fibonacci retracement at extension levels para mahulaan ang target ng wave at and retracement areas. Halimbawa, ang ikatlong wave sa isang impulse ay kadalasang 161.8% ng unang wave, habang kadalasang nagre-retrace ang correction sa 38.2%, 50%, o 61.8% ng nakaraang wave.
Pag-isiip ng Market: Tumutugma ang bawat wave sa pagbaliktad ng pag-iisip ng market, mula sa magandang pananaw tungo sa hindi magandang pagtingin. Ayon sa ideyang ito, pauli-ulit ang nagiging kaugalian ng mga tao, kaya humahantong ito sa mahuhulaang pattern ng wave kinalaunan.
Praktikal na Aplikasyon sa Pag-trade
Ngayon tingnan natin kung paano magagamit ng traders ang Elliott Wave Theory sa tunay na eksena sa market. Kadalasang ginagamit ang teoryang ito sa forex, stocks, at crypto — at lahat ‘to ay nagpapakita ng pagtaas-baba ng presyo at trends na kailangan para sa epektibong pagsusuri ng wave.
Eksena sa Forex Market: Halimbawa sa EUR/USD
Ipagpalagay natin na pinag-aaralan ng isang trader ang EUR/USD currency pair. Nakita niya na nasa isang malakas na uptrend ang market at nakumpleto nito ang malinaw na limang-wave na impulse pattern. Dahil dito, inaasahan ng trader na papasok ang market sa isang corrective na yugto, na hahantong sa isang A-B-C wave structure. Sa pamamagitan ng paggamit ng Fibonacci retracement levels, aasahan niya ang wave C na matatapos malapit sa 61.8% retracement level ng nakaraang limang-wave na impulse.
- Entry Point: Papasok nang long ang trader habang papalapit ang pagkumpleto ng correction, sa bandang 61.8% retracement level.
- Stop-loss: Maglalagay siya ng stop-loss sa ilalim ng wave C para protektahan ang sarili kung sakaling hindi matutuloy ang uptrend sa market.
- Target: Itatakda ang target sa may nakaraang high, o sa itaas nito, habang inaasahan na magsisimula ang panibagong impulse wave.
Ipinapakita nitong eksena kung paano makakatulong ang Elliott Wave Theory para matiyempuhan ng traders ang kanilang pagpasok at para mapamahalaan ang risk, habang sinasabay sa Fibonacci retracements.
Eksena sa Stock Market: Halimbawa sa Apple (AAPL)
Tingnan naman natin ang Apple Inc. (AAPL). Nakita ng trader na nakumpleto ng stock ang limang-wave na impulse structure sa lingguhang chart. Pagkatapos nito, napansin niya ang simula ng tatlong-wave na A-B-C correction at naghahanda siyang pasukin ang stock sa pagtatapos ng wave C.
Gagamit siya ng Elliott Wave Theory para pag-aralan ang nakaraang kaugalian ng presyo at kumpirmahin na maaaring mag-retrace ang wave C sa 50% Fibonacci level. Batay sa kanyang pagsusuri, papasok ang trader sa market kapag nakumpleto ang wave C, habang nilalayon ang simula ng panibagong impulse sequence.
- Entry Point: Bibili siya ng Apple stock habang nakukumpleto ang wave C.
- Stop-loss: Ilalagay ang stop-loss sa ibaba ng wave C para malimitahan ang downside risk.
- Target: Ita-target ng trader ang panibagong highs, habang inaasahang magsisimula ang panibagong limang-wave na impulse.
Eksena sa Crypto Market: Halimbawa sa Bitcoin (BTC)
Sa isang tumataas-babang crypto market, makakapagbigay ang Elliott Wave Theory ng kinakailangang istraktura sa pagbabago-bago ng market. Napansin ng isang trader na makukumpleto ng Bitcoin ang limang-wave na impulse sa arawang chart, na sumesenyas na maaaring pumasok ang market sa isang corrective na yugto.
Habang nagre-retrace ang Bitcoin, inaasahan ng trader na matatapos ang wave C sa bandang 38.2% Fibonacci retracement level. Maghahanda siyang pasukin ang long position, habang inaasahan ang simula ng panibagong bullish na wave.
- Entry Point: Sa sandaling umabot ang wave C sa 38.2% level at lumitaw ang reversal signals, maglalagay ang trader ng long position.
- Stop-loss: Ilalagay ang stop-loss sa ibaba ng wave C.
- Target: Ita-traget niya ang Fibonacci extension level tulad ng 161.8%, batay sa haba ng nakaraang impulse wave.
Iba pang Praktikal na Eksena
Eksena sa Forex: USD/JPY
Pag-aralan natin ang isang trade sa USD/JPY. Naobserbahan ng trader ang limang-wave na impulse structure sa apat na oras na chart. Kakakumpleto lang ng market ang wave 5, at inaasahan ng trader ang isang correction. Pagkatapos maglagay ng Fibonacci retracement levels, hinuhulaan niya na maaaring mag-retrace ang correction sa 50% level.
- Entry Point: Papasok ang trader sa 50% retracement level, habang inaasahan ang pagtatapos ng correction.
- Stop-loss: Ilalagay ang stop-loss sa ilalim ng inaasahang low ng wave C.
- Target: Ita-traget nila ang wave 1 ng bagong impulse wave, na inaasahang nasa 100% ng wave 5.
Mga Commodity Market: Gold
Sa gold market, nakita ng trader na kakatapos lang sa arawang chart ang limang-wave na bullish sequence. Dahil inaasahan ang tatlong-wave na corrective na galaw, hihintayin niya na makumpleto ang wave C sa isang pangunahing Fibonacci retracement level (61.8%).
- Entry Point: Papasok siya habang nakukumpleto ang wave C, na sumesenyas ang panibagong pataas na trend.
- Stop-loss: Ilalagay ang stop-loss sa ilalim ng low ng wave C.
- Target: Ita-target ng trader ang panibagong high, habang inaasahan na malalagpasan ng susunod na impulse wave ang nakaraang peak.
Mga Advanced na Pamamaraan sa Elliott Wave
Kapag komportable na ang traders sa mga pangunahing prinsipyo ng Elliott Wave, pwede na nilang tuklasin ang mas advanced na pamamaraan para gumanda ang kanilang pagsusuri.
Mga Extension at Truncation
Minsan nag-e-extend ang mga wave, lalo na sa wave 3 ng isang impulse sequence. Ang naka-extend na wave 3 ay kadalasang gumagalaw ng hanggang 161.8% o 261.8% ng wave 1, kaya nakakapagbigay ito ng matinding oportunidad para kumita. Ang maagang pagtukoy sa naka-extend na wave ay nagbibigay-daan para masakyan ng traders ang malalaking galaw.
Sa kabilang banda, nangyayari ang truncations kapag hindi nalagpasan ng wave 5 ang high ng wave 3, na sumesenyas ng potensyal na kahinaan sa trend. Maaaring asahan ng mga trader ang mas malaking correction o reversal kapag nakakita sila ng truncated wave 5.
Mga Diagonal na Triangle
Ang diagonal triangles ay isa pang advanced na pattern na nakikita sa simula o katapusan ng trends. Makikita ang isang nangungunang diagonal sa umpisa ng bagong trend, habang nabubuo ang isang panghuling diagonal sa katapusan ng wave 5, na sumesenyas ng agarang reversal. Ang pagtukoy sa mga pattern na ito ay pwedeng makapagbigay ng maagang babala para sa malalaking galaw sa market.
Mga Kumplikadong Correction
Bagamat karaniwan ang simpleng A-B-C correction, kadalasang nagpapakita ang mga market ng mas kumplikadong correction na nagtataglay ng iba’t-ibang uri tulad ng zigzags, flats, at triangles. Makakatulong ang patukoy kung simple o kumplikado ang correction para maiwasan ng traders ang maagang entry at mahintay ang mas maaasahang setup.
Ugnayan ng mga Wave
Kadalasang gumagamit ang Elliott Wave traders ng Fibonacci extensions para mahulaan kung paano nauugnay ang waves sa isa’t-isa. Halimbawa, kung may sukat na 100 points ang wave 1, maaaring mag-extend ang wave 3 sa 161.8% ng wave 1. Nakakatulong ang pag-unawa sa ganitong ugnayan para makapaglagay ng mas tumpak na targets ang mga trader.
Mga Puna at Limitasyon ng Elliott Wave Theory
Sa kabila ng kasikatan nito, may mga limitasyon ang Elliott Wave Theory, lalo na dahil sa pagiging subjective nito. Kadalasang iba-iba ang interpretasyon sa bilang ng waves, kaya maaaring magkaiba ang magiging pagtingin ng traders sa iisang chart. Pwede itong humantong sa magkakaibang forecast at signal.
Isa pang puna dito ay ang nakikitang husay ng Elliott Wave Theory sa mga nagti-trend na market lamang. Sa mga sideways na market o putol-putol na price action, mas mahirap makita ang patterns ng wave, at mas hindi na maaasahan ang teorya. Bukod dito, isang karaniwang isyu ang overfitting, kung saan pinupwersa ng traders ang bilang ng waves para tumugma sa inaasahan nila, kahit na hindi naman malinaw na sumusunod ang market sa isang Elliott Wave pattern.
Panghuli, pwedeng magbigay paminsan-minsan ang Elliott Wave Theory ng late na signals. Kapag natukoy na nang buo ang limang-wave na impulse, maaaring tapos na ang kabuuan ng trend. Ito ang dahilan kung bakit pinagsasama ng maraming traders ang Elliott Wave kasabay ng iba pang mga technical indicator para makumpirma ang entry points.
Pangkalahatan
Nakakapagbigay ang Elliott Wave Theory sa traders ng naka-istrakturang pamamaraan sa pag-unawa ng galaw ng market sa tulong ng pagsusuri sa kaisipan ng madla. Sa pamamagitan ng pagkabisado sa mga pangunahin at advanced na prinsipyo nitong teorya, mas mahuhulaan ng traders ang trends sa presyo at mga oportunidad na may mataas na probabilidad. Kaya lang, bagamat isang mahalagang tool ang Elliott Wave Theory, dapat pagsamahin ito sa iba pang technical indicators at palaging isaisip ang limitasyon nito, lalo na sa sideways na market.
Kapag maayos na ginamit, tulad ng ipinapakita sa mga praktikal na eksena sa forex, stocks, at crypto, isang magandang tool ang Elliott Wave Theory sa pagtahak ng financial markets at pagpapabuti ng tagumpay sa pag-trade.
Para sa mabilisang paliwanag tungkol sa mga technical indicator, tingnan ang Mahalagang Gabay sa mga Technical Indicator.
Simulan ang pag-trade mo dito.