Tugma sa inaasahan ng market ang desisyon ng Federal Reserve na panatilihin ang interest rates mula 5.25% hanggang 5.5%, na sumasalamin sa maingat pero magandang pagtingin na resulta ng makikitang senyales ng humihinang inflation. Nagpahiwatig ang Federal Reserve Chair na si Jerome Powell na posibleng magkaroon ng rate cuts sa nalalapit nitong pulong sa Setyembre, na may layuning balansehin ang pagkontrol ng inflation at gawing matatag ang labor market. Positibong nakaimpluwensya sa S&P 500 ang naturang anunsyo, habang nakaranas naman ng matinding pagbagsak ang EURUSD. Lumalapit na ang EURUSD sa kritikal na support levels, at may nakaamba pa ‘tong pagbaba sa paparating na panahon. Bukod dito, nakakadagdag sa pagiging kumplikado ng ekonomiya ang nalalapit na ulat sa Nonfarm Payrolls at epekto sa financial markets ng presidensyal na halalan ngayong 2024.
Hindi Binago ng Federal Reserve ang Interest Rates
Bagamat hindi binago ng Federal Reserve Committee ang benchmark rate nito mula 5.25% hanggang 5.5%, na tumutugma sa inaasahan ng mga ekonomista at mga kalahok sa market, nagpahiwatig si Jerome Powell na pwede silang magpatupad ng rate cuts sa nalalapit na pulong sa Setyembre, habang nagpapakita ang inflation ng senyales ng pagbagal.
Humantong ito sa positibong reaksyon sa S&P 500, habang mabilis namang bumagsak ang EURUSD. Ang desisyong ito ay sumasalamin sa balanseng kilos ng Fed pagdating sa pagtugon sa inflation at katatagan ng labor market.
Ayon sa bagong datos, matatag ang ekonomiya ng US dahil sa katamtamang inflation at bumabagal na paglago ng mga sahod.
Nag-iingat ang EURUSD sa Mahalagang Support dahil sa Nakaambang Potensyal na Pagbaba sa 1.0700
Kasalukuyang nagti-trade ang EURUSD sa ilalim ng 200-period Exponential Moving Average, na nagmamarka sa mas mababang highs at mas mababang lows sa ikalawang sunod na linggo. Papalapit na ito sa technical at psychological support levels na 1.07538 at 1.0700, ayon sa pagkakabanggit. Kapag matibay na nalagpasan ang mga naturang lebel, pwede itong maghudyat ng pagbaba sa ilalim ng psychological level na 1.7000, na magreresulta sa higit pang pagbagsak sa presyo ng palitan.
Epekto ng Presidensyal na Halalan
Pwedeng lubhang makaapekto sa financial market ang potensyal na pagkapanalo ni Donald Trump, lalo na sa halaga ng US dollar. Nagpahiwatig si Trump ng pag-aalala na maaaring makasama sa ekonomiya ng Amerika ang malakas na dolyar dahil magiging mas mahal na ang mga produkto ng US at hindi na nito kakayaning makipagsabayan sa buong mundo, na makakaapekto sa sektor ng manufacturing. Pwedeng makatulong ang mahinang dolyar sa balanse ng trade dahil gagawin nitong mas mura ang pag-export, kaya mas mamahal ang pag-import, at tataas ang lokal na inflation. Ayon naman sa mga ekonomista, pwedeng lumakas ang dolyar dahil sa mga patakaran ni Trump, kabilang ang tungkol sa taripa at pagbabawas ng buwis, dahil tataasan nito ang inflation at interest rates.
Wala pang pampublikong pahayag si Bise Presidente Kamala Harris tungkol sa lakas ng US dollar. Gayunpaman, tumutugma ang mga pananaw niya sa pangkalahatang patakaran ng administrasyong Biden-Harris, na bahagyang nakakaimpluwensya sa lakas ng US dollar dahil binibigyang-diin ang katatagan ng ekonomiya at paglago nito.
Tinututukan ng Investors ang Nonfarm Payrolls
Masusing sinusubaybayan ng investors ang ulat sa Nonfarm Payrolls na ilalabas ngayong araw. Isa itong mahalagang tagapaghiwatig sa ekonomiya na makakapagbigay ng pananaw tungkol sa kalusugan ng labor market ng US, kung saan inaasahan itong magpapakita ng katamtamang pagdami ng mga trabaho. Inaasahan ng mga analyst na nakapagdagdag ng 200,000 trabaho nitong Hulyo, na sumasalamin sa matatag pero bahagyang bumabagal na paglago kumpara sa mga nakaraang buwan. Pwedeng makaapekto ‘tong ulat sa sentimyento ng market at presyo ng EURUSD dahil maiimpluwensyahan nito ang magiging pamamalakad ng Federal Reserve sa hinaharap.
Pangkalahatan
Nagdesisyon ang Federal Reserve na hindi baguhin ang interest rates, na sumasalamin sa maingat pero magandang pagtingin sa gitna ng bumabagal na inflation. Dahil dito, tumaas ang S&P 500, habang nagipit naman ang EURUSD malapit sa support levels nito. Nakatutok na ngayon ang investors sa nalalapit na Nonfarm Payrolls para sa iba pang pananaw sa ekonomiya, dahil maiimpluwensyahan nito ang magiging pamamalakad ng Fed sa hinaharap. Bukod dito, nakakapagdagdag ng hindi kasiguraduhan ang nalalapit na halalan, na nakakaapekto sa US dollar batay sa pang-ekonomiyang pamamalakad ng mga kandidato. Nananatiling kumplikado ang estado ng ekonomiya, kung saan patuloy na hinuhubog ng mahahalagang indicator at mga pangyayari sa politika ang magiging takbo ng market.