Sa estado ng market na punong-puno ng tumataas-babang kumpiyansa, nabawi ng S&P 500 ang pataas nitong galaw, kung saan tumaas ito ng mahigit 5% mula noong Agosto 5, pagkatapos ng panandaliang pagbagsak. Resulta ito ng magandang pananaw tungkol sa bumababang inflation at matatag na paggastos ng mga konsyumer, pero nangangamba pa rin ang traders sa nalalapit na desisyon ng Federal Reserve.
Sumipa ng Mahigit 5% ang S&P 500 Dahil sa Pagbawi ng Market, Pero Nag-iingat ang Traders sa Susunod na Galaw ng Fed
Pagkatapos ng mahigit 5% na pagtaas mula noong Agosto 5, nakabalik ulit ang S&P 500 pagkatapos nitong bumagsak, kaya napatunayan na isang panandaliang paghihinto sa pababa nitong direksyon. Pumapasok ulit sa market ang mga trader at investor dahil naeengganyo sila sa bumababang inflation at matatag na datos sa mga konsyumer, na humahantong sa magandang pananaw na baka matagumpay na magabayan ng Federal Reserve ang ekonomiya tungo sa mas maayos na takbo. Kaya lang, nananatili ang hindi kasiguraduhan, kaya maingat na sinusubaybayan ng traders ang nalalapit na datos sa ekonomiya at susunod na galaw ng Federal Reserve, lalo na sa gitna ng potensyal na interest rate cuts.
Nananatiling Hindi Sigurado ang Kinabukasan ng Retail
Nabawasan ang ilang pag-aalala dahil sa malakas na performance ng Walmart at positibong ulat sa retail sales. Sa kabilang banda, nag-iingat pa rin ang mga analyst sa Wall Street at naghihintay sila ng higit pang ebidensya mula sa nalalapit na ulat sa kita ng mga retailer.
Nakamit ng Walmart ang tagumpay dahil sa mababang presyo at lumaking market share, na kabaligtaran ng pangkalahatang pagbagsak sa gastusin ng mga konsyumer. Resulta ito ng pagbibigay-prayoridad ng mga tao sa mga mahahalagang bilihin at paghahanap ng mga diskwento.
Pinansin ng mga analyst na kumikilos ang mga kumpanyang gaya ng Walmart at McDonald’s sa pamamagitan ng pagbabawas ng presyo. Sa kabila ng pag-asa na dulot ng humihinang inflation at posibleng pagbabawas ng interest rates, hindi pa rin sigurado ang kinabukasan ng industriya ng retail. Ayon sa mga ulat ng Bloomberg, may ilang retailers na inaasahang babaguhin pababa ang kanilang tinatayang kita.
Mga Technical na Target na Presyo
Nagsimula ang pataas na trend ng S&P 500 noong unang bahagi ng 2023 pero pansamantala itong natigil dahil sa mahinang datos sa mga trabaho, na nagresulta sa matinding pagbagsak noong Agosto 5. Gayunpaman, malakas na nakabawi ang index, kaya sunod-sunod itong tumaas ng mahigit 5% sa loob ng nakaraang dalawang linggo.
Ang mga kasalukuyang presyo ay nasa itaas ng parehong 20 at 50-period Exponential Moving Averages (EMA), na bumuo ng malakas na bullish signal na tinatawag na “Golden Cross” sa technical analysis. Bukod dito, parehong sinusuportahan ng Momentum oscillator at ng Relative Strength Index (RSI) ang bullish bias ng S&P 500, kung saan makikita ang Momentum oscillator sa itaas ng baseline na 100 at ang RSI sa itaas ng baseline na 50.
Gamit ang Fibonacci Extension tool na may swing high na 5674.14 (lingguhang timeframe) at swing low na 5091.28, may potensyal na upside target na makakalkula sa 6034.35.
Sa kabilang banda, kung babagsak ang S&P 500 sa ilalim ng mahalagang support level na 5091.28, pwede itong humantong sa agarang support na 4966.00.
Pangkalahatan
Sa linggo na minarkahan ng panibagong magandang pagtingin, tumaas ang S&P 500 ng mahigit 5%, kaya malakas itong nakabawi mula sa kamakailang pagbagsak. Resulta ito ng bumababang inflation at matatag na paggastos ng mga konsyumer, bagamat nananatili pa ring maingat ang traders bago ilabas ang nalalapit na desisyon ng Federal Reserve. Ang malakas na performance ng Walmart, na dulot ng mababang presyo at mas mataas na market share, ay kabaligtaran ng mas malawak na pag-aalala tungkol sa sektor ng retail, kung saan nakakapagdagdag sa di kasiguraduhan ang humihinang paggastos ng mga konsyumer at potensyal na pababang kita. Ayon sa technical indicators, magpapatuloy ang bullish na momentum para sa S&P 500, pero magiging kritikal pa rin ang mahahalagang support levels sa gitna ng potensyal na pagtaas-baba ng market.