Bilang tugon sa lumalalang pag-aalala tungkol sa humihinang demand sa langis, binawasan ng Saudi Arabia ng 70 sentimo kada bariles ang presyo ng Arab Light crude oil nito para sa mga bumibili galing Asya. Kasunod ito ng pagbagsak ng presyo ng langis sa buong mundo dahil sa mas mahinang forecast sa demand at pagbagal ng ekonomiya.
Dahil hindi pa muna tataasan ng OPEC+ ang produksyon nito, at lumilipat ang China sa mas malinis na enerhiya, binabaan rin ng Saudi Arabia ang presyo para sa Europa at Hilagang Amerika, na nagpapahiwatig ng mas malawak na pag-aalala sa market. Ayon sa technical analysis, bearish ang pananaw para sa presyo ng langis, bagamat maaaring makapag-alok ng oportunidad ang support at resistance levels sa gitna ng nagbabago-bagong kondisyon ng market.
Binabaan ng Saudi Arabia ang Presyo ng Langis sa Gitna ng Pag-aalala sa Demand
Binabaan ng Saudi Arabia ng 70 sentimo kada bariles ang presyo ng Arab Light crude para sa mga bumibili galing Asya, na sumasalamin sa pag-aalala tungkol sa humihinang demand sa rehiyon. Mas maliit ito kumpara sa inaasahang bawas, dahil marami ang umasa na bababa ito ng 85 sentimo. Ginawa ito pagkatapos ng kamakailang pagbagsak sa presyo ng langis, na resulta ng pag-aalala sa humihinang demand sa buong mundo, lalo na sa China. Bagamat inihinto ng OPEC+ ang planong pagdadagdag ng produksyon, maaaring manatili sa ilalim ng 6 na milyong bariles kada araw ang ine-export ng Saudi Arabia. Binawasan din nito ang presyo para sa Europa at Hilagang Amerika, na nagpapahiwatig ng mas malalang pag-aalala tungkol sa pandaigdigang demand at pagpapaganda ng margin.
Humina ang Demand sa Langis Dahil sa Paglipat ng China sa Malinis na Enerhiya at Humihina Nitong Ekonomiya
Bumabagal ang pagkonsumo ng langis ng China dahil sa paglipat nito sa low-carbon fuel at patuloy na paghina ng ekonomiya. Ayon sa pinuno ng oil research ng Goldman Sachs, lubhang bumaba ang demand sa langis ng China, mula 500,000–600,000 bariles kada araw bago mag-COVID, patungong humigit-kumulang 200,000 bariles ngayon, dahil sa pagdami ng mga trak na pinapatakbo ng LNG sa halip na diesel. Dahil dito, kasabay ng paghina ng ekonomiya, nabawasan din ang demand nito sa langis, bilang pinakamalaking nag-aangkat ng krudo sa buong mundo. Nakaranas ang langis ng pababang pwersa ngayong taon dahil sa pag-aalala tungkol sa mahinang demand sa China at plano ng OPEC+ pagdating sa supply.
Nagigipit ang Presyo ng Langis sa Buong Mundo
Ayon sa datos ng China nitong Agosto, makikita na nagkaroon ng matinding paghina sa sektor ng manufacturing, na naitala sa anim na buwang low, dahil sa mahinang orders sa bagong export. Dahil sa patuloy na paghina ng ekonomiya, na nagsimula sa pagbagsak ng Evergrande, kasabay ng mabagal na pagdami ng mga trabaho sa US nitong Agosto, bumaba ang pandaigdigang demand sa langis. Nakadagdag pa ng pwersa sa presyo ang pag-uumpisa muli ng Libya sa produksyon ng langis, habang bahagya namang tumaas ang oras-oras na sahod sa US, na nagpapatibay ng pag-aalala tungkol sa paghina ng ekonomiya. Sa kabila nito, nakapagbigay ng kaunting suporta sa presyo ang desisyon ng OPEC+ na ipagpaliban ang pagdadagdag ng produksyon, kasabay ng mas malaking pagbaba sa imbentaryo ng krudo ng US kumpara sa inaasahan. Nakapagpalala sa sentimyento ng market ang mga di kasiguraduhan sa geopolitics, kabilang ang pangamba sa eleksyon sa US at usap-usapan ng tigil-putukan sa Gaza.
Mga Technical na Target na Presyo
Nagsimula noong Hulyo 5 ang pababang trend ng krudo, pagkatapos mabuo ang bearish Japanese candlestick reversal pattern na kilala bilang Shooting Star. Pagkatapos nito, may iba’t-ibang reversal patterns na natukoy sa chart, kaya lumala ang pababang momentum. Sa partikular, nagkaroon ng downtrend dahil nabigo ang peak sa 83.09 na lagpasan ang nakaraang peak, at bumagsak ito sa ilalim ng trough sa 80.46 noong Hulyo 16.
Bukod dito, nagsalubong ang 20 at 50-period Exponential Moving Averages (EMA), kaya nabuo ang malakas na bearish signal na tinatawag na “Death Cross” sa technical analysis. Maliban dito, sinusuportahan ng parehong Momentum oscillator at ng Relative Strength Index (RSI) ang bearish na pananaw para sa krudo, kung saan nakapagtala ang Momentum oscillator ng halaga na mas mababa sa baseline na 100 at RSI na mas mababa sa 50.
Gamit ang Fibonacci extension tool sa magkakaibang swing sa chart, may tatlong potensyal na downside targets na nakalkula sa 66.67, 61.88, at 58.57.
Sa kabilang banda, kung sakaling makabawi ang krudo mula sa lows nito, may tatlong potensyal na resistance levels na dapat tutukan: 71.55, 74.67, at 77.75.
Pangkalahatan
Sa pangkalahatan, ang desisyon ng Saudi Arabia na bawasan ang presyo ng langis ay sumasalamin sa lumalalang pag-aalala tungkol sa pagbaba ng demand sa buong mundo, lalo na’t dahil lumilipat ang China sa mas malinis na enerhiya at kasalukuyan itong nakakaranas ng pagbagal ng ekonomiya. Nagigipit ang presyo ng langis dahil sa mas mahinang pagdami ng mga trabaho sa US, kasabay ng pag-uumpisa muli ng Libya sa produksyon ng langis, at hindi kasiguraduhan sa pandaigdigang ekonomiya. Sinusuportahan din ng technical analysis ang bearish na pananaw, bagamat nakakapag-alok ng oportunidad ang potensyal na support at resistance levels habang tumutugon ang market sa nagbabago-bagong takbo ng supply at demand.