Privacy Coins: Ano ang mga Ito at Paano Nakakaapekto ang mga Regulasyon Dito
Sa mga crypto tulad ng Bitcoin (BTC) at Ethereum (ETH), o kahit na sa mga meme coins tulad ng Shiba Inu (SHIB) at Pepe (PEPE), pwede kang makagawa ng mga desentralisadong transaksyon, pero hindi ito talagang pribado dahil nare-record ang bawat transaksyon sa pampublikong ledger. Inaayos ito ng privacy coins sa pamamagitan ng pagtatago ng mga detalye tulad ng kung sinong nagpadala, makakatanggap, at halaga ng transaksyon, kaya nagiging anonymous ang mga user. Dahil sa tumitinding pag-aalala sa pagiging pribado ng datos, lumilipat sa privacy coins ang mga taong ayaw ibunyag ang kanilang mga pinansyal na transaksyon.
Habang tumitindi ang pag-aalala kaugnay sa pagiging pribado ng datos, sumisikat lalo ang privacy coins. Kaya lang, dahil pwede nitong itago ang impormasyon ng transaksyon, hindi ito masyadong pinapanigan ng mga tagapangasiwa dahil sa potensyal na paggamit sa ilegal na aktibidad. Sa artikulong ito, iisa-isahin natin kung ano ang privacy coins, kung paano ito tumatakbo, ang mga kontrobersiya na umiikot dito, at ang magiging kinabukasan nito dahil sa paghihigpit ng regulasyon.
Ano ang Privacy Coins?
Bagamat maraming nag-aakala na anonymous ang lahat ng crypto, hindi ito totoo. Ang mga crypto tulad ng Cardano (ADA) at Solana (SOL) ay nagpapatakbo ng transparent na pampublikong ledger, kaya ibig sabihin, pwedeng hanapin ng kahit sino ang kasaysayan ng mga transaksyon sa network. Bagamat hindi nakatali sa totoong pangalan ang address ng wallet, sa tulong ng sapat na datos at pagsusuri, kalimitang natutunton ang mga transaksyon sa mga partikular na indibidwal. Dito lumilitaw ang kagandahan ng privacy coins.
Kaya naman, ano nga ba talaga ang privacy coins? Sa madaling salita, ito ay digital currencies na ginawa para gawing pribado ang detalye ng mga user sa pamamagitan ng pagtatago ng impormasyon sa mga transaksyon. Sa pamamagitan ng paggamit ng advanced na pamamaraan sa cryptography, tinatago ng privacy coins ang pagkakakilanlan ng parehong nagpadala at makakatanggap, at pinapanatili nitong kumpidensyal ang halaga ng transaksyon. Di tulad ng iba pang crypto, halos imposible na matunton ang pera habang gumagalaw ito sa pagitan ng mga user. May sariling paraan ang bawat privacy coin para makamit ito, pero pare-parehas ang kanilang layunin—ang mas mahigpit na privacy para sa mga user.
Paano Tumatakbo ang Privacy Coins?
Para maintindihan kung paano tumatakbo ang privacy coins, mahalagang unawain ang mga pamamaraan sa cryptography na dahilan kaya naiiba ito sa iba pang mga crypto. Ang pangunahing ideya sa likod ng privacy coins ay ang itago ang mga detalye ng transaksyon, kaya mahirap o imposibleng malaman kung sino ang napapadala o makakatanggap ng pera, o kung magkano ang halagang pinag-uusapan. Di tulad ng mga crypto na gaya ng Ripple (XRP) at Stellar (XLM) kung saan ang bawat transaksyon ay nire-record sa isang transparent na pampublikong ledger, gumagamit ng iba’t-ibang teknolohiya ang privacy coins para itago ang impormasyong ito.
Ang isa sa mga karaniwang pamamaraan ay tinatawag na Ring Signatures, na isa sa mga pangunahing katangian ng Monero. Sa kabuuan, pinapayagan ng ring signature na pirmahan ng isang miyembro ng grupo ang transaksyon, nang hindi ibinubunyag kung sinong miyembro ang gumawa nito. Isipin mo na para kang naglagay ng pangalan mo sa isang sombrero na punong-puno ng iba’t-ibang pangalan—walang sinumang makapagsasabi kung alin ang sa’yo. Nakakatulong ito para maitago ang pagkakakilanlan ng nagpadala kaya halos imposibleng matukoy ang mga transaksyon sa Monero. Bukod dito, gumagamit ng Stealth Addresses ang Monero, kung saan ang bawat transaksyon ay nagkakaroon ng isahang-gamit na address. Sa ganitong paraan, kapag may nagtangkang humanap ng transaksyon, hindi niya ito matutukoy pabalik sa aktwal na wallet ng makakatanggap.
Ang isa pang makapangyarihang katangian sa privacy ay ang Zero-Knowledge Proof na ginagamit ng Zcash. Sa pamamagitan nito, makukumpirma ng mga user na valid ang transaksyon nang hindi binubunyag ang anumang detalye tungkol dito. Sa madaling salita, sa pamamagitan ng zero-knowledge proofs, mapapatunayan ng isang tao na may alam sila (tulad ng pagiging valid ng transaksyon) nang hindi ipinapaalam ang impormasyong nalalaman nila. Ibig sabihin, bagamat naka-record pa rin ang mga transaksyon sa blockchain, ang lahat ng mahahalagang detalye—tulad ng nagpadaala, makakatanggap, at halaga—ay nananatiling nakatago, para masigurado ang pagiging anonymous ng lahat ng taong may kinalaman dito.
Bukod sa mga advanced na pamamarang ito, gumagamit ang ilang privacy coins ng coin-mixing services. Halimbawa, nag-aalok ang Dash ng feature na tinatawag na PrivateSend, kung saan pinaghahalo ang coins ng iba’t-ibang users, kaya mas mahirap matukoy kung saan nanggagaling ang coins o kung saan ito papunta. Bagamat hindi kasing tibay ang seguridad na inaalok ng coin mixing kumpara sa zero-knowledge proofs o ring signatures, nakakapagdagdag pa rin ito ng isa pang lebel ng privacy para sa mga user.
Dahil sa pagiging epektibo nitong mga teknolohiya sa privacy, sumisikat lalo ang privacy coins sa mga user na nag-aalala tungkol sa pagiging pribado ng pananalapi at seguridad ng datos. Habang umiigting ang pag-aalala kaugnay sa privacy, ganito rin katindi ang demand para sa privacy coins at mga makabagong teknolohiya sa likod nito.
Mga Pinakasikat na Privacy Coins
Bagamat marami na ngayong privacy coins, may ibang nangingibabaw dahil sa pagiging sikat at malawakang paggamit nito. Gumagamit ang mga coins na ‘to ng iba’t-ibang teknolohiya para bigyan ang mga user na malakas na lebel ng privacy at pagiging anonymous. Makikita sa ibaba ang ilan sa mga pinakasikat na privacy coins sa market ngayon.
- Kalimitang itinuturing ang Monero (XMR) bilang pamantayan pagdating sa privacy coins. Inilunsad noong 2014, nakabuo ng reputasyon ang Monero sa pagbibigay ng walang-kapantay na privacy para sa mga user nito. Default na pribado ang bawat transaksyon sa Monero dahil sa paggamit nito ng ring signatures, stealth addresses, at Ring Confidential Transactions (RingCT). Tinatago ng RingCT ang halaga ng transaksyon, kaya nasisigurado na walang makakaalam kung magkano ang ipinapadalang pera. Dahil sa dedikasyon ng Monero sa privacy, isa ito sa mga paborito ng mga user na naglalayong maging anonymous sa pananalapi.
- Ang Zcash (ZEC) ay isa pang sikat na privacy coin, pero may ilang pagkakaiba. Inilunsad noong 2016, nag-aalok ang Zcash sa mga user ng opsyon na pumili sa pagitan ng transparent at shielded na transaksyon. Gumagamit ang mga shielded na transaksyon ng zero-knowledge proofs para panatilihing pribado ang detalye ng transaksyon, kabilang ang pagkakakilanlan ng nagpadala at makakatanggap, pati ang halaga ng transaksyon. Dahil dito, gusto ito ng mga user na gusto ng opsyon sa pagkapribado, pero hindi nila ito kailangan para sa bawat transaksyon.
- Nagsimula ang Dash (DASH) bilang fork ng Bitcoin at kilala ito dahil sa mabilis na transaksyon at mababang singil. Gayundin, nag-aalok ang Dash ng features sa privacy gamit ang opsyon na PrivateSend, kung saan pinaghahalo ang coins ng iba’t-ibang users para maitago ang pinagmulan ng transaksyon. Bagamat hindi ito kasing pribado ng Monero o Zcash, sikat pa rin ang features ng Dash para sa mga user na gustong makakuha ng mas matibay na privacy nang hindi isinasakripisyo ang bilis at madaling paggamit.
- Iba naman ang pagpapatakbo ng Verge (XVG) pagdating sa privacy, dahil gumagamit ito ng Tor at I2P networks para gawing anonymous ang mga IP address. Bagamat hindi nakatago ang detalye ng transkasyon sa mismong blockchain, sa pamamagitan nitong mga anonymous na network, mas mahirap itali ang mga transaksyon sa Verge pabalik sa mga partikular na indibidwal.
- Ang Horizen (ZEN) ay isa pang crypto na nakatutok sa privacy. Gumagamit ito ng zk-SNARKs, ang kaparehong teknolohiya sa zero-knowledge proof ng Zcash, para itago ang detalye ng transaksyon. Bukod sa privacy, pinapahintulutan ng Horizen ang mga developer na bumuo ng pribadong apps sa blockchain nito, kaya isa itong makabuluhang platform para sa mga user at developer.
Bakit Kontrobersyal ang Privacy Coins?
Maraming bentahe ang privacy coins para sa mga taong gustong gawing pribado ang kanilang mga pinansyal na transaksyon. Pero marami din itong mga kontrobersiya. Ang pinamalaking isyu? Napakahirap o halos imposible na matunton kung saan papunta ang pera. Kaya ito ang kadalasang ginagamit ng mga ilegal na aktibidad tulad ng money laundering, pagbebenta ng droga, hindi pagbabayad ng buwis, at iba pa. Dahil dito, nag-aalala ang mga tagapangasiwa at mambabatas dahil nakikita nila ang privacy coins bilang hadlang sa pagpukaw ng krimen.
Para sa mga pamahalaan, ang pagiging anonymous ng privacy coins ay isang mahalagang isyu. Sa isang banda, karapatan ng lahat na magkaroon ng privacy at maraming tao ang gumagamit ng privacy coins para sa lehitimong dahilan. Halimbawa, para sa mga taong naninirahan sa mga mahigpit na bansa, maaaring kailanganin nila ang coins na ito para protektahan ang kanilang pera mula sa pagsubaybay ng gobyerno. May mga negosyo rin sa mga sensitibong sektor na kailangang gumamit ng privacy coins para panatilihing ligtas ang transaksyon nila mula sa mga kalaban. Sa kabilang banda, dahil mahirap tuntunin kung saan papunta ang pera, mas madali para sa mga kriminal na palipat-lipatin ang pera nang hindi ito napapansin. Kaya isa itong malaking problema sa pagpapanatili ng kalinisan ng pinansyal na sistema.
Maraming gobyerno sa buong mundo ang nagsisimulang kumilos. At may iba pa nga na kumpletong nagbabawal sa privacy coins. Habang patuloy na umiiral ang coins na ito, malaki ang tyansa na titindi pa ang debate sa lebel ng privacy na dapat payagan kumpara sa kailangang regulasyon. Sa ngayon, nasa gitna ng mainit na debate ang privacy coins, na may matitinding argumento sa parehong panig.
Lagay ng Regulasyon para sa Privacy Coins
Habang sumisikat pa ang privacy coins, iba-iba ang tugon ng mga gobyerno at tagapangasiwa sa buong mundo. May iba na lubusang tumatanggap sa crypto, habang may iba naman na may mas mahigpit na pamamalakad dahil sa potensyal na banta ng privacy coins sa katatagan ng pananalapi at kriminal na aktibidad. Patuloy na nagbabago ang lagay ng regulasyon para sa privacy coins, pero ito ang pamamalakad ng ilang mga bansa tungkol sa sitwasyong ito.
Sa US, ang privacy coins tulad ng Monero at Zcash ay nakapukaw sa atensyon ng mga tagapangasiwa tulad ng Financial Crimes Enforcement Network (FinCEN) at ng Internal Revenue Service (IRS). Bagamat hindi ilegal ang paggamit ng crypto, may matinding pagtutok sa pagiging transparent at pagsunod sa regulasyon sa Anti-Money Laundering (AML). Ang mga exchange sa crypto na nagpapatakbo sa US ay kailangang sumunod sa mahigpit na patakaran sa Know-Your-Customer (KYC) at AML, kaya maraming exchange ang nag-delist ng privacy coins para maiwasan ang potensyal na paglabag ng batas.
Ang Japan, na kilala sa mahigpit nitong regulasyon sa crypto, ay naglagay pa ng mas mahigpit na pamamalakad kaugnay sa privacy coins. Tuluyang ipinagbawal ng Financial Services Agency (FSA) ng bansa ang paggamit nito bilang pag-aalala sa mga ilegal na aktibidad. Dahil dito, hindi pwedeng mag-list ang mga exchange sa Japan ng mga crypto na nakatutok sa privacy tulad ng Monero, Zcash, at Dash.
Sa kabilang banda, may mga bansa tulad ng Germany at Switzerland na pumili ng mas balanseng pamamaraan. Bagamat nagpapatupad sila ng mahigpit na regulasyon sa AML, hindi nila tuluyang ipinagbawal ang privacy coins. Sa halip, sinisigurado nila na sumusunod ang mga exchange at service providers sa mga patakaran na makakatulong sa pagpukaw ng money laundering at iba pang ilegal na aktibidad.
Hinigpitan din ng South Korea ang regulasyon nito sa privacy coins, at marami sa mga malalaking exchange ang nagtanggal nitong coins para makasunod sa regulasyon. Sa Australia, hinihigpitan rin ang privacy coins, kung saan panukala ng mga tagapangasiwa ang mas mahigpit na pamamalakad sa KYC at AML.
Patuloy na magbabago-bago ang lagay ng regulasyon sa privacy coins habang nilalayon ng mga gobyerno na magkaroon ng balanse sa pagitan ng pangangalaga sa privacy at pag-iwas sa kriminal na aktibidad. Sa mga darating na taon, aasahan natin na mas marami pang bansa ang magpapatupad ng tiyak na regulasyon para sa privacy coins, kung saan pwede nilang higpitan ang paggamit nito o siguraduhin na tugma ito sa mga umiiral na regulasyon sa pananalapi.
Ang Kinabukasan ng Privacy Coins
Hindi pa rin sigurado ang kinabukasan ng privacy coins, pero may mga lumilitaw na trends na pwedeng humubog sa direksyon nitong mga crypto sa mga darating na taon. Ang isa sa mga pinakamahahalagang aspeto na nakakaimpluwensya sa kinabukasan ng privacy coins ay ang nagbabago-bagong regulasyon. Habang mas marami pang gobyerno ang nagpapatupad ng regulasyon na naglalayong mapukaw ang pinansyal na krimen, haharap ang privacy coins sa mas matinding pagsisiyasat. Maaaring ipatigil ang iba dito, habang kakailanganin namang umangkop ng iba para makatugon sa regulasyon. Pwede itong humantong sa pagbuo ng teknolohiya sa privacy na babalanse sa pagiging anonymous at pagsunod sa regulasyon.
Bukod sa panggigipit ng regulasyon, malaki ang papel ng teknolohiya sa paghubog ng kinabukasan ng privacy coins. Patuloy na nagsisikap ang mga developer na pabutihin ang features sa privacy nitong coins upang gawin itong mas ligtas at mas mahirap tuntunin. Malaki ang tyansa na umigting pa ang mga teknolohiya tulad ng zero-knowledge proofs, ring signatures, at coin mixing, na makakapagbigay sa mga user ng mas malaking lebel ng privacy. Kaya lang, habang bumubuti ang mga teknolohiya sa privacy, maaari din itong makakuha ng mas matinding atensyon mula sa mga mambabatas, na hahantong sa walang-tigil na habulan sa pagitan ng mga tagapangasiwa at mga sumusulong sa privacy.
Ang isa pang aspeto na nakakaimpluwensya sa kinabikasan ng privacy coins ay ang demand ng mga user. Habang patuloy na tumitindi ang pag-aalala kaugnay sa privacy, mas maraming tao ang maghahanap ng paraan para protektahan ang kanilang personal na impormasyon, kabilang ang kanilang transaksyon sa pananalapi. Nagbibigay ng solusyon ang privacy coins sa mga pag-aalalang ito, at malamang na mas sumikat pa ito habang lumalawak ang kamalayan tungkol sa privacy ng datos. Gayunpaman, ang malawakang paggamit ng privacy coins ay dedepende sa kung paano tutugon ang mga tagapangasiwa sa mga hamon na kaakibat nito.
Panghuli, ang kinabukasan ng privacy coins ay maaari ding maimpluwensyan ng paggamit ng privacy features ng malalaking crypto. Halimbawa, naghahanap ang Bitcoin developers ng paraan para makapaglunsad ng features sa privacy, tulad ng CoinJoin, na nagbibigay-daan para mapaghalo ng iba’t-ibang users ang kanilang transaksyon para umigting ang privacy. Kapag nagsimulang gumamit ng privacy features ang malalaking crypto, pwedeng bumaba ang demand para sa mga dedikadong privacy coins, o pwede itong humantong sa mas malawak na pagtanggap sa mga crypto na nakatutok sa privacy.
Pangkalahatan
Binabago ng privacy coins ang mundo ng crypto sa pamamagitan ng pag-aalok sa mga user ng kakayahang maging anonymous, na hindi mapapantayan ng tradisyonal na coins. Habang lumalala ang pag-aalala tungkol sa pagiging pribado ng datos at umiigting ang pagsubaybay sa pananalapi, mas maraming tao ang lumilipat sa mga coins na ‘to para sa mas mahigpit na seguridad. Kaya lang, bagamat maganda ang mga feature nito sa privacy, tumindi rin ang pangamba dahil sa ugnayan nito sa mga ilegal na aktibidad, kaya binabantayan na ito ngayon ng mga tagapangasiwa.
Ang kinabukasan ng privacy coins ay dedepende sa iba’t-ibang pagbabago sa teknolohiya, pagbabago sa kagustuhan ng mga user, at kung paano ito ire-regulate ng mga gobyerno. Magiging kapana-panabik ito habang patuloy na umiiral ang pag-uusap kaugnay sa privacy at regulasyon. Pero isang bagay lang ang sigurado: mananatiling mahalaga ang privacy coins sa nagbabago-bagong lagay ng digital na pananalapi.
Simulan ang pag-trade mo dito.