Nakapagtala ang USDJPY currency pair ng malakas na bullish na momentum, na pinaigting ng pagsasabay ng mga technical at fundamental na aspeto. May lumitaw na malinaw na trend reversal noong nalagpasan ng pair ang mga kritikal na resistance levels, na higit pang nakumpirma ng mga technical indicator. Sa fundamental na aspeto, umigting ang panibagong pagtaas-baba sa market dahil sa nakaraang pahayag ni Prime Minister Shigeru Ishiba tungkol sa pamamalakad ng Bank of Japan. Tutol si Ishiba na taasan agad ang rates pagkatapos ng pag-uusap nila ng BOJ Governor na si Kazuo Ueda. Dahil dito, nagipit ang yen at lumala ang pagsipa nitong pair. Ang magkahalong lakas sa technical na aspeto at nagbabago-bagong fundamentals ang nagbibigay-diin sa mga pangunahing resistance at support levels na dapat subaybayan ng traders habang tinatahak ng USDJPY ‘tong pabago-bagong estado.
Mga Pangyayari sa Ekonomiya na may Matinding Epekto
Miyerkules 04:00 AM (GMT+3) – New Zealand: Official Cash Rate (NZD)
Huwebes 15:30 (GMT+3) – USA: CPI MoM (USD)
Biyernes 09:00 AM (GMT+3) – UK: GDP MoM (GBP)
Biyernes 15:30 (GMT+3) – Canada: Pagbabago sa mga Trabaho (CAD)
Biyernes 15:30 (GMT+3) – USA: PPI (USD)
Pagsusuri sa Chart
Mula noong bumagsak ito sa 139.568 noong Setyembre 16, nagpapakita ang USDJPY pair ng tuloy-tuloy na uptrend, na pinaigting ng nabuong bullish Hammer candlestick pattern. Isa itong kilalang signal sa technical analysis na nagpapahiwatig ng potensyal na pagbaliktad sa sentimyento ng market. Nakapagtala ‘tong reversal pattern ng kritikal na punto na nagtulak sa pataas na takbo ng pair. Bukod dito, ang pagkakaroon ng failure swing ang lubha pang nagpatibay sa bullish na pananaw. Kumumpirma sa trend reversal ang pagkabigo ng presyo na bumagsak sa swing low na 139.568 at matibay na paglagpas sa peak na 146.482, kaya umigting pa ang bullish na momentum.
Sinusuportahan din ng mga technical indicator at oscillators ang bullish na takbo ng USDJPY. Nagti-trade ang presyo sa itaas ng 20-period at 50-period Exponential Moving Average (EMA), na nagpapaigting sa sunod-sunod na pagtaas. Bukod dito, lumagpas ang Momentum oscillator sa baseline na 100, at umakyat ang Relative Strength Index (RSI) sa itaas ng 50. Kaya lang, hindi pa nalalagpasan ng 20-period EMA ang 50-period EMA.
Mga Pangunahing Resistance Level
Kung sakaling mapapanatili ng mga bumibili ang kontrol sa market, maaaring malipat ang atensyon ng traders sa apat na potensyal na resistance levels sa ibaba:
149.479: Ang pangunahing resistance ay natantya sa 149.479, na tumutugma sa 161.8% Fibonacci extension na ginuhit mula sa swing high na 146.482 papunta sa swing low na 141.632.
154.329 Ang ikalawang target na presyo ay namataan sa 154.329, na tugma sa 261.8% Fibonacci extension na ginuhit mula sa swing high na 146.482 papunta sa swing low na 141.632.
158.526: Ang ikatlong target na presyo ay nasa 158.526, na sumasalamin sa lingguhang resistance (R3) na nakalkula gamit ang standard Pivot Point method.
161.941: May isa pang dagdag na target na natukoy sa 161.941, na sumasalamin sa arawang high noong Hulyo 3.
Mga Pangunahing Support Level
Kung makukuha ng mga nagbebenta ang kontrol sa market, maaaring isaalang-alang ng traders ang apat na potensyal na support levels sa ibaba:
146.482: Ang pangunang support level ay natukoy sa 146.482, na sumasalamin sa magkaparehong swing high noong Setyembre 27 at lingguhang pivot point.
143.810: Ang ikalawang support level ay namataan sa 143.810, na kumakatawan sa lingguhang support (S1) na nakalkula gamit ang Pivot Point method.
141.632: Ang ikatlong support level ay nakaposisyon sa 141.632, na tugma sa swing low na naitala noong Setyembre 30.
139.568: May isa pang dagdag na downside target na nasa 139.568, na tumutugma sa arawang low na nabuo noong Setyembre 16.
Fundamentals
Nabigla ang market dahil sa nakaraang komento ni Prime Minister Shigeru Ishiba kaugnay sa pagtutol niya sa interest rate hikes ng Bank of Japan (BOJ), dahil dati niyang sinusuportahan ang ganitong panukala.
Pagkatapos makipagkita kay BOJ Governor Kazuo Ueda, sinabi ni Ishiba na ayon sa kasalukuyang lagay ng ekonomiya, walang dahilan para taasaan pa ang interest rates, kaya humina ang yen at tumaas ang presyo ng stocks. May mga analyst na nag-aalala tungkol sa potensyal na epekto ng pahayag niya sa pagiging independiyente ng BOJ, habang may ilan naman na nagtulak sa kahalagahan ng maingat na pag-uusap para maiwasan ang pagtaas-baba ng market. Klinaro ni Ishiba ang pahayag niya kinalaunan, kung saan sinabi niya na tugma ang kanyang pananaw sa tingin ni Ueda na may sapat pang oras para pag-aralan ang magiging takbo ng rates sa hinaharap.
Pangkalahatan
Sa pangkalahatan, patuloy na nagpapakita ang USDJPY ng malakas na bullish na momentum, na pinapaigting ng parehong technical at fundamental na aspeto. Dahil sa pag-breakout mula sa mga pangunahing resistance levels, na sinusuportahan ng pumapabor na technical indicators, nabibigyang-diin ang malinaw na trend reversal. Sa fundamental na aspeto, nakapagdulot ng pagtaas-baba sa market ang nakaraang komento ni Prime Minister Shigeru Ishiba kaugnay sa pamamalakad ng interest rates, kaya naiimpluwensyahan nito ang sentimyento ng market at ginigipit nito ang halaga ng yen.